Thursday, October 9, 2008

At the Executive Lounge

Now that Friendster has revamped their version of a blog, some of my entries were missing. This entry is one of my most treasured post that I just had copy and paste it here. This was written on 04-06-2005.

This is the application essay I submitted to the GMA Kapuso Scriptwriting Workshop held November of last year. This very essay landed me a spot in the workshop and brought me to the top… at the 17th floor of the GMA Network Building… at the Executive Lounge.

According to Miss Syl Villar, the Superwoman HR who handled us, this was among the top five entries.

Ano sa karanasan mo ang pwedeng maging magandang material para sa isang script?

Ordinaryo lang ang buhay ko. Walang kahindik-hindik na mga kaganapan tulad ng sa Kakabakaba. Wala rin namang kahina-hinalang mga pangyayari upang ma-Imbestigador. May kaunting iyakan pero hindi pa para sa kalibre ng Magpakailanman. At may ilan din katatawanan tulad ng sa Bubble Gang. Sa kasimplehan ng buhay ko, para lang akong isang scoop ng vanilla ice cream.

Wala gaanong excitement ang buhay ko. Ang pinaka-daring na yata na ginawa ko ay ang magpa-Root Canal Therapy. Sa lahat ng ka-ordinaryohang ito, magiging interesado pa kaya kayong malaman ang mga karanasan ko… mga karanasan sa buhay… sa pag-ibig… sa pagiging babae… sa pagiging isang matabang babae?

Twenty-five years old na ako. Magtwe-twenty-six na sa November. At buong buhay ko mataba na ako. Hindi lang ako overweight. Isa akong obese. Seven pounds ako noong ipinanganak. Normal na timbang ng isang sanggol. Pero bukod sa sadyang masarap talaga magluto si Mama at si Tita Lily, nasa genes na talaga namin ang pagiging “malusog.” Sa parehong side ni Papa at ni Mama, meron akong kamag-anak na mataba: lolo, lola, tito, tita, pinsan… at may sakit sa puso… at may hypertension. Sa murang isipan ko, ang katabaan ay normal na kundisyon lamang tulad ng pagiging payat o kaya pagkakaroon ng kulot na buhok o pangong ilong. Isang kundisyon na akala ko noon ay hindi makakaapekto sa aking pagkatao ngunit nagkamali pala ako.

Cute tignan ang batang mataba. Hindi naman sa pagbubuhat ng sariling bangko, ako ay isang cute na bata. Ang mga pisngi, hita, at braso ko na namumutok sa katabaan ay laging pinanggigigilan. Ang mga comment na “Ay! Tignan mo yung bata, ang cute.” ay nakakatuwang pakinggan. Lahat na yata ng taong nakakakita sa akin ay nawiwili at tuwang-tuwa sa pagiging cute kong batang mataba.

Ang toddler na mataba ay cute. Hanggang Grade Two o Grade Three, nakakawili pa ang pagiging matabang cute. Noong mga panahon na iyon, kuntento na ako sa pagiging matabang cute. Balewala lang sa akin ang mga panunukso ng mga kaklase at kapwa bata. Ang pag-tukso ng mga kalaro ko ng “Lindol! Lindol!” kapag tumatakbo o tumatalon ako ay bahagi lamang ng aming paglalaro. Ang alam ko lang noong mga panahon na iyon ay nagkakasayahan at nagkakatuwaan lamang kami. Kung baga sa isang linya sa pelikula, walang personalan.

Pero dumating ang panahon na ang cute ay naging nakakatakyut. Hindi na nakakatuwa ang pagiging mataba maski naging synonymous na ito sa ka-cute-an. Ang batang mataba ay cute at nakakawili. Ang nagdadalaga at dalaga na mataba ay pangit at hindi kaaya-aya. Ang mga tukso at pintas na dati ay kibit-balikat kong tinatanggap ay unti-unting kumukurot at sumusugat sa aking pagkatao.

Isang summer, in-enroll sa swimming classes ni Papa at ni Mama ang mga kapatid ko. Gustong-gusto ko din matutong mag-swimming noon pero mas pinili kong mag-aral na lamang ng piano kaysa magsuot ng bathing suit at pagtinginan at pagtawan ng mga tao. Natapos ang summer. Natutong mag-swimming ang mga kapatid ko. Pero ako ay hindi natutong mag-piano.

Ang mga pangungutya ng mga kalaro, mga tambay sa kanto, mga kaklase, at kung sinu-sino pang mga taong hindi naman importante sa buhay ko ay madaling tanggapin. Pasok sa isang tenga, labas sa kabila. No problem. Pero ibang usapan na kapag ang pangdo-down ay nanggagaling na sa mga taong inaasahan kong susuporta sa akin. Tulad ng pamilya. Sa mga pangdi-discourage na natanggap ko mula sa kanila, dalawa ang tumatak sa aking isipan. Pareho silang nagmula sa mga labi ng lola ko. Una, hindi raw ako makakapag-boyfriend at ikalawa, hindi raw ako makakapasok ng trabaho. Ang dahilan niya: mataba daw kasi ako. “Eh, ano ngayon,” naisip ko. Hindi ko iyon kawalan. Defense mechanism ko lang iyon syempre. Pero ang totoo noon ay napaisip ako. Totoo kaya ang sinabi ng lola ko? Magkahalong takot at pangamba ang nadama ko pero hindi iyon sapat na dahilan upang sumuko ako sa laban kong nagsisimula pa lang.

Hindi pa ako nakaka-graduate ng college ng sinubukan kong mag-apply ng trabaho. Last term ko na noon kaya naiisip ko na mas mabuting maaga na akong maghanap ng trabaho kaysa sumabay sa libu-libong gra-graduate din na katulad ko. The early bird catches the early worm, sabi nga nila. Sa isang call center sa Ortigas ako dinala ng mga paa ko. Habang paakyat iyong elevator, naiisip ko ulit yung sinabi nung lola ko. Matatangap kaya ako? Tama na ba ang qualifications ko? O baka dahil nga sa katabaan ko at sa Ortigas ako naga-aaply, isang posh na business district, baka hindi sapat ang pinag-aralan ko lang. Nagduda ako sa kakayahan ko pero hindi ako nagpatalo at papatunayan ko sa lola ko at higit sa lahat sa sarili ko na hindi hadlang ang obesity ko sa abilidad ko na makahanap ng trabaho.

Make or break ang Ortigas experience ko. Ayokong umuwi ng luhaan kaya pinagbutihan ko ang examination. Sa kalaunan, kakayahan at hindi katabaan ang nagwagi. Qualified ako at iyon ang mahalaga sa mga future employers ko. Hindi ako pumirma ng kontrata maski natanggap na ako. Masaya na ako sa naging accomplishment ko. Tatapusin ko muna ang pag-aaral ko at saka muling susubok sa hamon ng tunay na mundo.

Pagka-graduate ko noong 2001, nagkaroon ako ng pagkakataon na magtrabaho sa isang chatroom sa cable television. At sa hindi inaasahang pagkakataon, dito ko pala makikita ang pag-ibig na sabi ng lola ko ay ipagkakait sa akin dahil sa mataba ako.

Ang pagkakaibigan namin ni “J” ay nagsimula sa chat. Hindi nagtagal, naging textmates kami at naglaon ay naguusap na din sa telepono hanggang madaling-araw. Parang wala ng bukas kung mag-usap kami. Katulad ng madalas sabihin ni Mike Enriquez na “Hinding-hindi ka namin tatantanan.” ang naging drama ng buhay namin. Hinding-hindi nga namin tinantanan ang telepono sa kakatelebabad namin. Masaya ako kapag nakakausap ko siya. Alam ko na masaya rin siya kapag nakakausap niya ako dahil hindi naman siguro siya magpapakapuyat kung hindi niya gusto ang ginagawa niya. Maski may trabaho kami kinabukasan, nagpupuyat kami para makapagusap at makapagkulitan lang. Noong mga panahon na iyon, I was falling inlove with him. Pero alam kong hindi dapat dahil walang basis. Pwede bang ma-inlove sa taong hindi mo pa nakikita? Naisip siguro ni “J” na it’s about time that the voice had a face. Niyaya niya akong manuod ng sine. Hesitant ako noong una pero pumayag din ako. Excited ako pero biglang nawala ang lahat ng yun ng muling nag-echo sa isip ko ang sabi ng lola ko. Hindi ako nakatulog noong gabi. Iniisip ko kung tama ba ang gagawin ko. Paano kung tama na si Lola sa pagkakataong ito? Maski nag-aalangan akong sumipot sa usapan namin, pumunta pa rin ako. I’ve nothing to lose and I’ve a friend to gain just in case type nya magkaroon ng matabang kaibigan. I had fun that day. Alam ko na nag-enjoy din sya sa maiksing panahon na magkasama kami. Pero tunay ngang mahiwaga ang pag-ibig. Dahil ang isang araw na magkasama kami ay naging isang linggo, isang buwan, at ngayon isang taon mahigit na.

Sa ikalawang pagkakataon nagkamali ang lola ko. Maski kailan hindi naging sagabal sa akin ang katabaan ko. May mga tao sigurong hindi nakikita ang tunay na katauhan ko pero mas marami pa ring tao ang nakakakita sa tunay na katauhan sa likod ng babaeng mataba.

Ordinaryo lang ang buhay ko. Pero hindi ako ordinaryong tao. Isa akong extra-ordinaryong babae na nagsusuot ng extra large na blouse at may extra, extra large na puso.

No comments:

Related Posts with Thumbnails

ShareThis

  © Blog Design by Simply Fabulous Blogger Templates

Back to TOP